Trump, nag-tweet ng lumang “fake news” tungkol sa mga Moro sa Mindanao

By Kabie Aenlle August 19, 2017 - 06:28 AM

Isa na namang tweet ni US President Donald Trump ang naging kontrobersyal dahil ang nilalaman nito ay posibleng pag-ungkat niya sa isang “fake news” o impormasyong hindi naman totoo na unang lumabas nasa 100 taon na ang nakalilipas.

Matapos kasing mag-tweet si Trump sa kaniyang personal Twitter account ng pakikiisa at pag-aalok ng tulong sa Spain matapos ang Barcelona attack, nag-tweet ang pangulo tungkol kay General John “Black Jack” Pershing.

Ang nilalaman ng tweet ni Trump ay: “Study what General Pershing of the United States did to terrorists when caught. There was no more Radical Islamic Terror for 35 years!”

Tinutukoy ni Trump ang Gen. Pershing na naging US governor sa Mindanao mula 1909 hanggang 1913, sa ilalim ng pananakop ng Estados Unidos.

Dahil dito, lumalabas na pinaniniwalaan ni Trump ang impormasyon tungkol sa umano’y summary killings na ginawa ng naturang heneral sa mga counterinsurgents noon sa Mindanao, na ayon sa mga historians ay hindi totoo.

Ayon kasi sa kwentong ito, nasukol ng mga pwersa ni Pershing ang 50 Muslim insurgents noon sa Mindanao, at pinatay ang 49 sa mga ito gamit ang mga baril na isinawsaw sa dugo ng baboy na haram sa mga Muslim.

Pinakawalan naman umano ang ika-50 na preso para ipaalam sa kaniyang mga kapwa niya mandirigma kung ano ang ginawa sa 49 nilang mga kasamahan.

Nabanggit pa ito ni Trump sa isang rally niya bilang kandidato noong February 2016 sa South Carolina, kung saan sinang-ayunan niya ang bahagi ng kwento na gumamit ang pwersa ni Pershing ng bala na may dugo ng baboy.

Dahil aniya dito ay 25 taong nawala ang problema ng terorismo sa Mindanao.

Gayunman, kung hindi nagdu-duda, mariing itinatanggi ng mga historians ang nasabing kwento, kabilang na ang military historian na si Frank Vandiver na nagsabing wala siyang nakitang anumang indikasyong nangyari talaga ang kwentong ito.

Sakali mang totoo ito, sobrang taliwas aniya ito sa ugali ni Pershing.

Base rin sa isang fact-checking website na Politifact, apat na iba pang historians ang tumanggi na may katotohanan ang nasabing impormasyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.