Ibinaba ng Sandiganbayan First Division ang desisyon kung saan convicted si Lee sa apat na counts ng graft dahil sa pagbili ng overpriced na mga fertilizer na nagkakahalaga ng 3.2 million pesos.
Si Lee ay nahatulan sa pagbili ng overprice na 133 litro ng Bio Nature Liquid Fertilizer noong 2004 sa halagang 1,500 pesos kada litro mula sa supplier na Fenshan Philippines, Inc. na may kabuuang halagang 199,500 pesos kahit na ang presyo lang ng kada litro nito sa merkado ay nasa 180 pesos na may kabuuang halagang 23, 940 pesos.
Nag-ugat din ang conviction sa pagbili noong 2004 ng nasa 2,000 litro ng fertilizers sa halagang 1,500 pesos kada litro na may kabuuang halagang 3 million pesos kahit na ang presyo nito sa merkado ay nasa 180 pesos ang kada litro o may kabuuang halagang 360,000 pesos.
Nahatulan ng two counts si Lee sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagbibigay ng undue benefit sa Feshan Philippines ng walang public bidding na siyang nagdulot ng pinsala sa gobyerno.
Dagdag pa dito, two counts din dahil sa paglabag sa Section 3(g) dahil sa pagpasok sa isang kontrata kung saan dehado ang pamahalaan.
Ang bawat graft conviction ay parusang anim na taon at isang buwang pagkakakulong hanggang sa sampung taon.
Inuutusan din ng korte si Lee na magbayad ng 2,591,595 pesos sa pamahalaan dahil sa naging pinsalang dulot nito.
Kasama ni Lee na hinatulan si Provincial Chief Accountant Raul Hernandez na sinasabing patay na.
Kaugnay nito, hinihintay pa ng korte ang notice ng pagkamatay ni Hernandez.
Habang inabswelto naman si Provincial Chief Accountant Ofelia Velasco sa graft dahil sa reasonable doubt.
Si Lee ang isa sa mga unang opsiyal na kinasuhan at kalaunang nahatulan dahil sa P728-million fertilizer fund scam sa ilalim ng Arroyo administration.