Mga pulis na sangkot sa operasyon na ikinasawi ng 17-anyos, sinibak sa pwesto
Sinibak na sa kanilang mga pwesto ang tatlong pulis na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkasawi ng isang binatilyo sa Caloocan City noong Miyerkules ng gabi, August 16.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde, agad ipinag-utos ang pagsibak sa tatlo habang ang commander ng police community precinct na nakasasakop sa pinangyarihang lugar ay itinalaga muna sa Regional Police Holding and Accounting Unit habang iniimbestigahan.
Ang 17-anyos na grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos ay kabilang sa nasawi sa isinagawang Oplan Galugad ng Caloocan Police matapos umanong manlaban at paputukan ang mga otoridad.
Pero hindi makapaniwala ang pamilya ng binatilyo na nahulihan ng droga si Delos Santos at nanlaban sa mga pulis.
Anila, may CCTV footage ang barangay na nagpapakitang bitbit ang binatilyo ng dalawang nakasibilyang pulis papunta sa lugar kung saan siya natagpuang patay.
Mayroon ding mga saksi ang nagsabi na nakita nilang piniringan, pinagsusuntok atsaka sinikmuraan ang binatilyo.
Inabutan umano ito ng baril at saka sinabihan na iputok at tumakbo.
Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang Regional Investigation Division na makipag-ugnayan sa Internal Affairs Services para magsagawa ng imbestigasyon.
Inatasan din ang district director na tiyakin ang seguridad ng mga kaanak ni Delos Santos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.