Pamilyang Pinoy, kabilang sa nasugatan sa Barcelona attack
Nasugatan ang apat na Pinoy na pawang miyembro ng isang pamilya matapos ang pag-araro ng isang van sa mga namamasyal sa Barcelona, Spain.
Ayon kay Consul-General, Dr. Emmanuel Fernandez, Consul-General ng Philippine Embassy sa Madrid, ang sugatan ang mag-asawa at dalawa nilang anak.
Sa ngayon, nasa maayos na kondisyon na aniya ang ama, ina at anak na babae. Habang ‘under observation’ pa ang limang taong gulang na anak na lalaki.
Sinabi ni Fernandez na ang nasabing pamilya ay nasa Barcelona para ipagdiwang ang kaarawan ng limang taong gulang na bata.
Tubong Cebu aniya ang pamilya pero sa Ireland na sila naninirahan at citizen na doon.
Maliban sa apat, wala pa aniyang natatanggap na ulat ang embahada kung mayroon pang ibang Pinoy na nasugatan.
Ani Fernandez, matagal nang mahigpit ang seguridad na ipinatutupad ng Spanish police dahil sa mga posibilidad na pag-atake.
Ginagawa din aniya ng mga otoridad ang lahat upang makontrol ang sitwasyon.
Sa pinakahuling datos, labingtatlo ang patay, at nasa 100 ang sugatan sa nasabing pag-atake.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.