Malacañang, tiniyak na magiging patas ang imbestigasyon sa Bulacan raids

 

Photo from Bulacan Police

Nangako ang Palasyo na magiging patas ang imbestigasyon sa isinagawang malakihang anti-drug operations sa Bulacan na ikinasawi ng 32 drug suspects.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sinalubong ang mga otoridad ng marahas na pakikipaglaban ng mga suspek.

Mapapatunayan naman aniya ito sa pamamagitan ng mga narekober na armas, granada at mga bala.

Ang pagkamatay naman aniya ng 32 na suspek ay hindi resulta ng isang operasyon lamang, kundi ng mga serye ng operasyon laban sa mga sangkot sa iligal na droga sa probinsya.

Samantala, dahil sa mga bumabatikos sa kanilang operasyon, nilinaw ni Senior Supt. Romeo Caramat ng Bulacan police na mayroon din silang tauhan na nasugatan sa pag-palag ng mga suspek.

Ayon kay Caramat, tinamaan ng bala sa kaliwang braso si PO2 Benjie Enconado ng Norzagaray drug enforcement unit sa kanilang operasyon.

Sinigurado naman ni Caramat na handa silang maimbestigahan upang matiyak na lehitimo ang kanilang mga operasyon.

Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Internal Affairs Service ng Philippine National Police kaugnay ng insidente, bilang bahagi ng proseso.

Read more...