Patay sa Maynila sa loob ng halos dose oras, umabot sa 26

By Chona Yu, Cyrille Cupino August 17, 2017 - 06:53 AM

Kuha ni Cyrille Cupino

(UPDATE) Sa loob lamang ng halos labingdalawang oras, umabot sa dalawampu’r anim na katao ang napatay sa magkakahiwalay na operasyon at insidente ng pananambang sa lungsod ng Maynila.

Mula alas 7:00 ng gabi ng Miyerkules hanggang alas 7:00 ng umaga ng Huwebes, umabot sa 26 ang patay sa ikinasang labingwalong one-time big-time operation, follow-up operation sa Maynila.

Sa Port Area, patay ang isang parking boy matapos tambangan sa kanto ng R.S. Oca at Delgado St., Pier South.

Ang biktimang si Rodrigo Angeles, 45-anyos ay nakatambay lamang sa tapat ng isang karinderya habang nanonood ng OTB nang tambangan ng hindi pa nakikilalang suspect.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Annie, nasa kalapit na tindahan lang siya nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Aminado ang ginang na gumagamit ng iligal na droga ang kanyang asawa, pero wala naman umano itong kaaway.

Pinakamarami naman ang napatay sa Elias Street sa Sta. Cruz, Maynila matapos na manlaban umano ang limang mga suspect sa ikinasang buy-bust operation.

Ang mga nasawi ay sina Lexter Montaniel, Edgardo Española, Godfrey Gutierrez, Rolly Mangilin at isang alyas “Boy” na siyang target ng operasyon.

Isinagawa ang operasyon laban kay alyas ‘Boy’ sa Elias Street pasado alas-8:00 ng gabi at nang magkaabutan ng shabu at buy-bust money ay nakatunog ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Napilitan namang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapatay sa mga suspek.

Sa Malate, Maynila, patay ang dalawang lalaki sa kanto ng Don Pedro at Bautista, matapos maka-engkwentro ng mga pulis.

Ayon kay PCI Paul Sabulao, commander ng Arellano PCP, nagsasagawa ng one-time big-time operation ang kanyang mga tauhan nang makita ang dalawang suspek sa madilim na bahagi ng kalsada.

Nang makita ang mga rumurondang pulis, agad na nagpaputok ang mga suspek dahilan para gumanti sila at mapatay ang mga ito on-the-spot.

Bukod pa rito, anim pang drug suspects ang nahuli ng mga pulis sa nasabing operasyon.

Sa Malate pa rin, isang alyas ‘Yetbu’ ang nasawi matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa isinagawang drug buy-bust operation.

Habang sa harap lamang ng Manila Zoo sa Malate rin, isang hinihinalang holdaper ang nasawi sa follow-up operation ng mga pulis.

Nakuha pa mula sa suspek ang mga personal na gamit at perang tinangay niya mula sa 21-anyos na kaniyang nabiktima.

Sa area naman ng Sampaloc, tatlo rin ang magkahiwalay na napatay sa police operations sa Matimyas Street, Antipolo at Sociego.

Ayon sa mga otoridad, pawang mga sangkot sa iligal na droga ang mga napatay.

Kabilang sa napatay ang isang hinihinalang holdaper na isinumbong ng isang concerned citizen.

Sa Sta. Mesa, patay din ang isang drug suspect matapos umanong manlaban sa mga pulis sa kahabaan ng Magsaysay Boulevard.

Kinilala ang dead-on-the-spot na suspek na si Wilson Castillo, na positibong tinukoy ng kanyang tiyuhin.

Ayon sa tiyo ng suspek, ‘mainit’ na rin sa mga pulis ang napatay na pamangkin dahil sa hinalang sangkot ito sa bentahan ng iligal na droga sa lugar.

Sa Quirino, patay din ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos manlaban sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Manila Police District Station 9.

Ang iba pang naitalang nasawi sa magkakahiwalay na operasyon ay pawang naisugod pa sa ospital pero binawian rin ng buhay.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: 18 killed in manila, malate, metro news, port area, Radyo Inquirer, Sampaloc, sta cruz, sta mesa, War on drugs, 18 killed in manila, malate, metro news, port area, Radyo Inquirer, Sampaloc, sta cruz, sta mesa, War on drugs

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.