(UPDATE) Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa isinagawang anti-illegal drugs operations sa mga bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Sa pinakabagong report, mula sa Bulacan Provincial Police Office, nasawi ang mag live-in partners na sina Victoria dela Cruz at Alvin Marquez matapos manlaban nang sisilbihan sana ng search warrant sa Barangay Atlag, Malolos.
Ayon kay Superintendent Heryl Bruno, Malolos police chief, pinaputukan ni Dela Cruz ang mga pulis habang papasok ang mga otoridad sa kwarto nito, habang napatay naman si Marquez sa likuran ng bahay.
Ayon sa chairman ng barangay na si Danilo Clavio ang mag-partner ay parehong drug personalities sa lugar.
Nakuha mula sa kanila.22 revolver, .38 revolver, at dalawang sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Samantala, sa Barangay Look 2 sa Malolos, napatay naman sa buy-bust operation ang isang alyas Quintin.
Ayon sa mga pulis, bumunot ng baril ang suspek nang matunugan na pulis ang kaniyang ka-transaksyon.
Dahil sa mga panibagong nasawing drug suspects, umabot na sa 32 ang bilang sa isinagawang anti-drugs operations sa Bulacan sa loob lang ng 24-oras.
Umabot naman sa 107 na drug suspects ang naaresto.
Isinagawa ang operasyon sa mga bayan ng Balagtas, Baliuag, Bulakan, Calumpit, Guiguinto, Marilao, Norzagaray, Obando, Plaridel, Pulilan, San Jose del Monte, San Miguel at Sta. Maria.
JUST IN: 32 na ang patay sa 24 oras na one-time big-time anti-drugs operations sa Bulacan | @chonayu1 pic.twitter.com/e0h8KVc44C
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 16, 2017