Dalawang poultry worker sa hindi tinukoy na lugar sa Pampanga ang kasalukuyang binabantayan ng Department of Health (DOH) dahil sa hinalang nahawa ang mga ito sa bird flu.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, napag-alaman nila na dalawa sa 20 poultry workers na kanilang pinagtanungan ay may sintomas na ng trangkaso. Ang isa ay may ubo, habang ang isa naman ay may lagnat.
Inoobserbahan na sa hindi tinukoy na ospital ang dalawang poultry workers kung saan kinuhanan na sila ng blood at swab sample para isailalim sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at inaasahang malaman ang resulta ngayong araw.
Hindi naman na umano kailangan sumailalim sa quarantine ang pamilya ng dalawang poultry worker dahil wala pang naitatalang kaso ng human to human transmission ng bird flu virus.