1 patay matapos madaganan ng isang cement mixer ang isang kotse
(UPDATED 10:18pm) Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na isa lang kumpirmadong patay sa nangyaring pagdagan ng cement truck sa isang kotse sa Mindanao Avenue.
Dead on arrival sa ospital ang driver ng puting honda brio na may plakang aoa 3301 habang binibigyan na ng karampatang lunas ang tatlong bata at ina ng mga ito na sa sakay ng kotse.
Lulan ng kotse sina Ulysses Ramos, 35 years old; Marife Ramos, 34 years old; at kanilang mga anak na sina Eulariza Ramos, 12 years old; Eugene Ramos, 8 years old at Eurico Ramos, 5 years old.
Apat sa mga ito ay dinala sa Metro North Hospital habang ang isa naman ay sa quezon city general hospital.
Tatlo umano sa kanila ay nagtamo ng major injuries.
Bandang ala syete imedya nang maialis ang puting kotse mula sa pagkakadagan ng mixer truck.
Ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector 6, bandang alas-singko nang mawalan ng preno ang trak ng semento kaya tumama ito sa center island sa tapat ng Bureau of Jail Management and Penology sa Mindanao Avenue malapit sa intersection ng Congressional Avenue na naging sanhi ng pagkakadagan nito sa puting kotse.
Dinala na ang driver ng truck na si Jayson Nuay sa QCPD traffic sector 6 para imbestigahan.
Unang napaulat na dalawa ang nasawi sa aksidente, pero base sa impormasyon mula sa QCPD ay isa lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.