Tigil-operasyon ng Uber, hindi tumagal ng isang araw; online na muli matapos umapela

Balik na sa operasyon ang Uber matapos na maghain ng motion for reconsideration sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Sa post sa kanilang Facebook page, sinabi ng Uber Systems Inc., na bilang tugon sa hinaing ng mga driver at pasahero, nagpasya silang iapela ang utos na isang buwang suspensyon ng ahensya.

At dahil may apela, sinabi ng Uber na mangangahulugan ito ng pagbabalik ng kanilang operasyon habang hindi pa nareresolba ng LTFRB ang kanilang mosyon.

Sinabi ng Uber na sa ngayon, online na muli ang kanilang Metro Manila at Cebu operations.

Dagdag pa ng Uber, umabot sa mahigit sampung libong riders nila ang na-stranded matapos na ihinto nila ang kanilang operasyon mula alas 6:00 ng umaga ng Martes bilang pagtalima sa cease and desist order ng LTFRB.

Umaasa ang Uber na agad reresolbahin ng ahensya ang kanilang apela.

 

 

 

 

Read more...