Pumayag na ang Sandiganbayan ang mga state prosecutors na gawing state witness si dating Makati City general services department head Ernesto Aspillaga laban kay dating Mayor Elenita Binay.
Ito’y may kaugnayan sa kasong graft na kinakaharap ni Binay dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P72.06 milyong halaga ng furniture para sa Makati City Hall noong 1999.
Sa resolusyon ng Special Fifth Division, pinayagan ng Sandiganbayan ang Office of the Ombudsman na i-discharge na si Aspillaga bilang kapwa-akusado ni Binay sa naturang kaso.
Dahil dito, maari nang isalang sa witness stand si Aspillaga at magsalita laban kay Binay.
Binaliktad nito ang naunang resolusyon noong Disyembre 2016, na bumaliktad rin sa resolusyon noong Enero 2016 na pabor sa prosekusyon.
Gayunman, ipinunto rin ng korte na hindi pa nila naririnig ang testimonya ni Aspillaga na makakatukoy kung papasa ba siya bilang isang state witness.
Itinuturing ng mga prosecutors na isang mahalagang bahagi ng kaso ang testimonya ni Aspillaga dahil sa mga first-hand knowledge nito sa maanomalyang transaksyon dahil dati siyang pinuno ng general services department ng munisipyo.