Bumibili ng mas maraming ginto at ready-to-eat meals ang South Koreans sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng North Korea at United States.
Ayon sa Combat Ration Inc., ang kumpanyang nagbebenta ng ready-to-eat meals, umakyat nang halos 50% ang kanilang sales sa nakalipas na linggo.
Ang nasabing kumpanya ay kumikita ng two billion won o $1.75 Million kada taon.
Ayon kay Combat Ration Chief Executive Yoon Hee-Yeul, sa palagay niya ay iba ang panahon ngayon kumpara sa mga nakalipas na nuclear tests ng kapit-bansang North Korea na nakasanayan na ng South Koreans.
Naniniwala rin ang dalawa pang ready-to-eat meal companies na Babmart at Jun2food.com na ang pagsipa ng kanilang sales ay dulot ng tumataas na tensyon.
Hindi rin naiiba ang pananaw ni Song Jonggil, opisyal ng Korea Gold Exchange 3M.
Aniya, immune na ang South Koreans sa mga banta ng North Korea, ngunit ngayon ay sineseryoso na nila ang babala ng North Korea.
Ayon kay Song, limang beses na mas mataas ang kanilang naibentang gold bars simula August 9.
Matatandaang noong Huwebes, nagbabala ang North Korea na matatapos na nila sa gitna ng Agosto ang planong paglunsad ng apat na intermediate-range missiles na babagsak sa teritoryo ng Guam.
Pinangangambahan din sumiklab ang bakbakan sa border ng North Korea at South Korea na kaalyado ng US.