Maynilad at Manila Water, magpapatupad ng 12-oras na water interruption
Sa susunod na linggo posibleng magsimula na ang pagpapatupad ng rotational water interruption ng Maynilad at Manila Water sa kanilang mga customer.
Ito ay dahil sa mababang alokasyon ng tubig para sa residential use sa Metro Manila bunsod ng pagbaba ng antas nt tubig sa Angat Dam.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Dittie Galang ng Communications Department ng Manila Water, maaring magtagal ng higit sa dose oras kada araw ang ipatutupad nilang interruption.
Agad namang nilinaw ni Galang na rotation ang gagawing water interruption sa mga barangay sa bawat bayan na maapektuhan. “Sa mga customer po ng Manila Water ang water interruption po ay maaring magtagal ng higit sa 12-oras kada araw. Rotation naman po ang gagawin na interruption, may schedule po per barangays,” ayon kay Galang.
Sinabi ni Galang na kabilang sa mga maaring maapektuhan ang Rodriguez at Antipolo sa Rizal, Taguig City, Marikina City, Pasig City, at ilang bahagi ng Quezon City.
Sa record kasi ng Manila Water, ang nasabing mga lugar ang naaapketuhan kapag nagpapatupad sila ng supply at pressure management.
Samantala, sinabi naman ni Maynilad Water Treatment and Water Network head Engr. Enrique Egiua na kung magtutuloy-tuloy ng ilang araw na hindi nakararanas ng malakas na ulan na makapagdaragdag ng tubig sa Angat at Ipo dam ay tuloy na rin ang kanilang pagpapatupad ng water interruption sa susunod na linggo.
Sa ngayon ang Maynilad at Manila Water ay kapwa nagpatupad na ng low pressure ng tubig sa kanilang mga customers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.