Trump sa NoKor missile threat: Magsisisi kayo

Sa patuloy na mainit na sagutan sa pagitan ng North Korea at United States, sinigurado ni US President Donald Trump na hindi sila takot sa banta ni President Kim Jong Un na nuclear strike sa Guam.

Ani Trump, pagsisisihan ni Kim Jong Un kapag itinuloy nito ang pag-atake sa Guam at sisiguraduhin niyang haharap sa matinding parusa ang North Korea.

Sa isang pahayag ni Trump sa kanyang Twitter account, sinabi niyang “locked and loaded” ang militar ng Estados Unidos at binantaan niya ang NoKor leader na maghanap na lang ng ibang paraan.

Kailangan aniya na maintindihan ni Kim Jong Un ang bigat at peligro ng pagbangga nito sa anumang teritoryo ng United States.

Kamakailan lang ay nagbanta ang state news agency ng North Korea na sakaling may mangyari sa kanilang bansa, asahan ng US ang isang thermonuclear war sa kabila ng bagong sanction package ng United States na naipasa noong nakaraang linggo.

Makikipagpulong si US President Trump kay Nikki Haley na US Ambassador to the United Nations sa Biyernes.

Read more...