200,000 manok, papatayin dahil sa bird flu outbreak
Matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture ang bird flu outbreak sa ilang manukan sa San Luis Pampanga, ipinag-utos ng kagawaran ang pagpatay sa mahigit kumulang 200,000 na manok at mga katulad na hayop.
Sa utos ni Agriculture Secretary Manny Piñol, ang mga manok na papatayin ay mula sa one-kilometer quarantine radius sa San Luis kung saan anim na poultry farms ang apektado ng avian influenza subtype H5.
Sa isang pulong balitaan sinabi ni Piñol na nagmula ang virus sa isang quail farm bago ito lumipat sa mga poultry farms.
Nasa 37,000 manok na ang namamatay sa kasalukuyan.
Ani Piñol, inakala ng mga poultry farmers na simpleng poultry disease lamang ang dahilan ng pagkamatay ng mga manok na nagsimula noong buwan ng Hulyo pa.
Ang bird flu ay isang uri ng virus na maaring mailipat sa tao ngunit wala pa namang naitatalang kaso na may nahawaan nang tao sa apektadong lugar.
Ipinag-utos naman ng Bureau of Animal Industry ang paglalagay ng 7-kilometer danger zone sa apektadong bayan para tiyakin na walang mga manok at katulad na mga hayop ang makakalabas sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.