Guam, naglabas ng guidelines sa posibleng nuclear attack ng North Korea
Naglabas na ang Guam ng emergency guidelines para sa kanilang mga residente upang makapaghanda sa anumang posibleng nuclear attack na gawin ng North Korea.
Ito’y matapos magbanta ang KNCA news agency ng Pyongyang na pagdating ng kalagitnaan ng Agosto ay maglulunsad na sila ng apat na intermediate-range missiles na dadaan sa Japan at babagsak sa Guam.
Bagaman ipinagkibit-balikat lang ng gobernador ng Guam ang banta ng North Korea, naglabas na rin lang sila ng preparedness fact sheet para sa mga residente.
Paalala ng pamahalaan ng Guam sa mga tao, huwag direktang tumingin sa flash o fireball dahil ito ay nakakabulag, at na magtago sa anumang maaring magbigay sa kanila ng proteksyon.
Kapag naman natyempuhang nasa labas sila kapag nangyari ito, pinayuhan ang lahat na hubarin ang damit upang maiwasang kumalat ang radioactive material.
Ang pag-alis anila kasi ng outer layer ng damit ay kayang magtanggal ng 90 percent ng radioactive material.
Pinayuhan rin nila ang mga residente na mas maiging maghanda ng emergency plan at supply kits, gumawa ng listahan ng mga konkretong istruktura na malapit sa tahanan, trabaho at paaralan na maaging magsilbing fallout shelters.
Tinuruan rin nila ang mga tao kung paano maghuhugas sakaling makontamina ng radioactive material, at ito ay ang huwag kuskusin o kayasin ang balat, gumamit ng sabon o shampoo pero huwag conditioner dahil lalo nitong mapagdidikit ang kemikal.
Tinatayang nasa 163,000 ang kabuuang populasyon ng Guam, na kinalalagyan rin ng isang US military base kung saan mayroong submarine squadron, air base at Coast Guard group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.