Duterte, dapat nang magtalaga ng mga bagong opisyal sa Customs ayon kay Recto
Iminungkahi ni Sen. Ralph Recto kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na siyang magtalaga ng mga bagong opisyal sa Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Recto, dahil sa sunud-sunod na pagbibitiw sa pwesto ng karamihan sa mga miyembro ng kawanihan, inaasahan na ang pagkakaroon ng revamp sa Customs.
Aniya ay dapat magkaroon ng mga “competent and ethical” na tauhan ang Customs na nakakaalam sa mga hibla ng detalye at kultura ng mga operators.
Masyado aniyang mahalaga ang mga posisyon sa Customs para hayaan lang na maitalaga ang mga hindi pa sanay dito.
Sa loob lamang ng ilang araw, magkasunod na nagbitiw sa pwesto sina BOC intelligence chief Neil Anthony Estrella at Import Assessment Services director Milo Maestrecampo.
Ginawa ito ng dalawa bilang pagpapakita ng delikadesa sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng naipuslit na P6.4 halaga ng shabu.
Una na ring idinawit ng Customs broker na si Mark Taguba sina Estrella at Maestrecampo na umano’y tumatanggap ng “lagay” para sa pagproseso ng mga shipments, pero kanila naman itong itinanggi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.