Nagbigay ng sulat-kamay na liham ang magkapatid na nais nilang ipaabot kay Dela Rosa.
Nakasaad dito na nakikiusap silang mabigyan ng huling pagkakataon para makita ang kanilang mga magulang kahit sa huling lamay.
Tiniyak rin ng magkapatid na hindi totoo ang lumabas na intelligence report na may balak umanong maghiganti ang mga Parojinog sa nangyaring madugong raid na ikinasawi ng mga miyembro ng kanilang pamilya.
Dagdag ng magkapatid, ito ang pinakamasakit na kabanata sa kanilang buhay.
Iginiit rin ng dalawa na wala silang kapasidad na gumamit ng dahas at na hindi nila kailanman naging ugali ang pagiging marahas.
Sa desisyong inilabas kasi ng korte kahapon, nakasaad na nais lang nilang tiyakin ang seguridad ng magkabilang panig.
Naniniwala kasi ang korte na posibleng magdulot ang presensya ng magkapatid ng pagsiklab ng emosyon na maaring mauwi sa karahasan at bakbakan sa pagitan ng panig ng mga sumusuporta sa pamilya at mga security forces ng gobyerno.