Bird flu outbreak sa Pampanga, kinumpirma ng DA; nasa 37,000 ibon na ang nasawi
Kinumpirma ng Department of Agriculture na mayroon nang outbreak ng avian influenza virus sa bayan ng San Luis, Pampanga.
Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, nasa 37,000 na ibon na ang nasawi na kinabibilangan ng manok, pugo at bibe mula sa anim na poultry farms sa Barangay San Agustin, bayan ng San Luis.
Sinabi ni Piñol na isinailalim sa pagsusuri ang mga hayop at nakumpirma sa test specimens na kinuha sa mga ito ang mataas na antas ng avian influenza.
Ang apektadong lugar ayon kay Piñol ay isasailalim sa quarantine simula ngayong araw at tinatayang nasa 400,000 mga ibon ang kakatayin para maiwasan nang kumalat pa ang sakit.
Dagdag pa ni Piñol, may nakuha silang report na noon pa lamang buwan ng Mayo ay mayroon nang indikasyon ng kaso ng avian flu pero hindi umano ito agad inireport sa kanilang ng mca commercial poultry operator kaya noong sumapit ang Hulyo ay lumala na ang sitwayson.
Sa isang quail farm umano nagsimula ang outbreak kung saan naapektuhan ang nasa 50 hanggang 70 bibe.
Kaugnay nito, nagpatupad na ng ban ang DA sa shipment ng lahat ng fowls mula sa Luzon patungo sa iba pang bahagi ng bansa.
Inaalam na ng DA at ng Bureau of Animal Industry ang posibleng source at carrier ng virus. Kabilang sa pinaghihinalaang pinagmulan ay ang mga migratory bird o ‘di kaya ay ang mga smuggled na Peking duck mula China.
Sinimulan na rin ng DA ang pagplano sa susunod na hakbang sakaling magresulta ng shortage sa processed poultry products ang nararanasang outbreak lalo pa at papalapit na ang Christmas season.
Tiyak na aniyang maaapektuhan ang food chain, kaya kinakailangang maitaas ang produksyon ng poultry products sa Mindanao.
Sa ngayon, sinabi ni Piñol na wala pa namang napapaulat na mayroon nang poultry to human contamination ng nasabing sakit.
Itinuturing din ng DA na ‘contained’ na ang outbreak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.