Bureau of Customs, kailangang i-overhaul – Gordon

Kailangang sumailalim sa overhaul ang Bureau of Customs (BOC) kasunod ng kinakaharap nitong kontrobersiya sa pagkakapuslit ng P6.4 billion na halaga ng shabu galing China.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na buong sistema ng customs ang maituturing na guilty sa pagkakapasok sa bansa ng kontrabando.

Naniniwala din si Gordon na hindi nakalusot kundi sinadyang palusutin ang nasabing mga shabu.

Dagdag pa ng senador, maaring maliban sa mahigit kalahating tonelada ng droga na nakuha sa Valenzuela ay maraming iba pang shabu na nakalusot at hindi nasabat.

“The whole system is guilty. We have personalities that will require further investigation, wala silang decision making capability na mabilis,” ayon kay Gordon.

Kasabay nito, sinabi ni Gordon na dapat nang pag-isipan ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang magbitiw sa pwesto.

Aniya, si Pangulong Rodrigo Duterte ang napapasubo dahil sa kontrobersiya.

Sinabi ni Gordon na tiniyak naman ni Pagulong Duterte na gagawa siya ng hakbang base sa magiging report ng senado sa kanilang ginagawang imbestigasyon.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...