State of calamity, idineklara sa Ormoc City at Kananga

 

FB PHOTO | Ormoc City Leyte

Isinailalim na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa state of calamity ang Ormoc City at bayan ng Kananga sa Leyte, isang buwan matapos itong yanigin ng 6.5 magnitude na lindol.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Proclamation 238, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC).

Nakasaad sa proklamasyon na ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga nasabing lugar ay makakatulong para mapabilis ang “rescue, recovery, relief at rehabilitaion efforts” ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor.

Dahil rin dito, makokontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar, at makakapaglabas rin ang gobyerno ng pondo para sa pagtulong sa mga nasalanta.

Inatasan na rin nya ang mga ahensya at kagawaran ng gobyerno na tumulong at magbigay serbisyo sa mga apektadong lokal na pamahalaan.

Itinalaga naman ang mga law enforcement agencies para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa mga naapektuhang lugar.

Mananatili ang state of calamity sa mga nasabing lugar hanggang sa alisin ito ni Pangulong Duterte.

Read more...