VP Robredo, hinirang na chairperson ng LP

 

Opisyal nang tinanggap ni Vice President Leni Robredo ang pagiging chairperson ng Liberal Party (LP) sa isang tahimik at tagong pagpupulong ng mga lider ng partido.

Mula sa kanilang mga interim appointments, pormal nang nahalal si Robredo bilang chair ng LP, habang si Sen. Francis Pangilinan naman ang LP president at chairman emeritus naman si dating Pangulong Benigno Aquino III, na hindi nakadalo.

Ginanap ang national executive committee meeting sa University of the Philippines noong Miyerkules.

Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, nais ni Robredo na i-rebuild ang LP at mas pagtuunan ng pansin ang kanilang “grassroots campaigns” sa halip na mga pulitiko.

Sinadya aniyang gawing “low-key” ang kanilang meeting dahil sa lagay na rin ng pulitika ngayon, at sa dami ng nalagas na miyembro sa kanilang partido.

Sa kaniyang talumpati, sinabi rin aniya ni Robredo na dapat pagtuunan ng pansin ng LP ang pagiimbita ng mga bagong miyembro na mula sa pribadong sektor, partikular na aniya ang “younger or new blood.”

Ani Baguilat, mahirap na aniyang humikayat ng mga pulitiko ngayon dahil hindi mo na aasahan ang mga ito na agad maglalabas ng kanilang tunay na kulay sa simula.

Mula sa dating mahigit 100, halos nasa 30 na lang ang natitirang miyembro ng Liberal Party sa Kamara.

Read more...