4 hinihinalang miyembro ng NPA, arestado sa Davao Oriental
Nasukol ng militar ang apat na hinihinalang komunistang rebelde na may bitbit na mga matataas na kalibre ng armas at pampasabog sa Davao Oriental.
Napag-alaman ng 28th Infantry Battalion noong Martes ang tungkol sa plano ng Section Committee 18 ng Southern Mindanao Regional Committee ng New People’s Army (NPA) na mag-biyahe ng mga armas mula sa Mati City patungo sa bayan ng Lupon.
Ayon sa kanilang battalion commander na si Lt. Col. Ramon Zagala, iyon na ang naghudyat sa kanila para magpadala ng mga tauhan upang mapigilan ang pag-biyahe sa mga armas.
Nauwi ang nasabing operasyon sa pagkakahuli ng apat na hinihinalang rebelde na lulan ng pulang Mazda Bongo sa bayan ng San Isidro, bago mag-hatinggabi ng parehong araw.
Wala namang nangyaring palitan ng putok sa kasagsagan ng pag-aresto.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na M-16 rifles, isang grenade launcher, isang improvised explosive device, mga bala at personal na kagamitan.
Ani Zagala, ibinigay na nila ang mga suspek sa San Isidro police para masampahan ng illegal possession of firearms and explosives.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.