Negros Island Region na binuo sa ilalim ng PNoy admin, binuwag ni Pangulong Duterte

Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order ni dating Pangulong Benigno Aquino III na lumilikha sa Negros Island Region (NIR) noon taong 2015.

Mangangahulugan ito ng pagbuwag o pag-dissolve sa nasabing Rehiyon at sa pagbabalik sa Negros Occidental bilang lalawigan sa ilalim ng Region 6 at ang Negros Oriental bilang lalawigan na sa ilalim ng Region 7.

Nakasaad sa Executive Order number 38 na nilagdaan ni Duterte na pinapawalang bisa na rin ang mga nilikhang NIR Regional Offices at Regional Councils.

Lahat ng mga empleyadong apektado ng pagbuwag ay ibabalik sa mga dati nilang units of deployment o ‘di kaya ay ire-reassign sa ibang tanggapan.

Iniutos din ng pangulo na ang pagsasaayos sa lahat ng usapin sa regional office ng Negros Island kabilang ang final disposition ng mandato nito, mga tauhan, pondo, at iba pa ay kailangang tapusin nang hindi lalagpas sa loob ng 60-araw mula sa effectivity date ng kautusan.

Inatasan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na pamunuan ang pangangasiwa sa pagbabalik sa Negros Occidental at Negros Oriental sa Regions 6 at 7.

 

 

 

 

 

Read more...