Paghihiganti, tinitingnang anggulo sa pagpatay sa Pasay councilor
Paghihiganti ang isa sa mga anggulong tinitingnan na rason sa likod ng pagpatay sa konsehal ng Pasay na si Borbie Rivera.
Matatandaang binaril nang hindi pa nakikilalang mga gunman si Rivera pagkababa nito ng kanyang sasakyan sa labas ng SM Southmall sa Las Piñas, alas 8:30 ng gabi noong Sabado.
Dead on arrival si Rivera matapos itong isugod sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa.
Ayon kay Southern Police District director, Chief Supterinendent Tomas Apolinario Jr., mayroon nang ilang mga pagtatangka sa buhay ni Rivera na presidente ng Liga ng mga Barangay sa Pasay.
Kabilang dito ang pagbabato ng granada sa loob mismo ng kanyang bahay.
Nagsimula umano ang mga pagtatangka sa buhay ni Rivera matapos ma-dismiss ang kasong murder na nakasampa laban sa kanya.
Si Rivera, kasama ang pito pa, ay inakusahang sangkot umano sa pagpatay kay Mark Felizardo Baggang sa Barangay Pio del Pilar sa Makati noong January 2015.
Ayon kay Apolinario, ang naturang pamamaril kay Baggang na nakasugat sa siyam na iba pa ay nagmula sa isang gang war.
Naaresto at nakulong so Rivera, ngunit nabasura ang kaso laban sa kanya noong April 2016.
Ayon pa kay Apolinario, posibleng gustong gantihan si Rivera ng mga namaril sa kanya dahil nalinis ang pangalan nito sa kasong murder.
Dagdag pa ni Apolinario, kakausapin nila ang SM Southmall para payagan silang ma-review ang mga CCTV camera footage upang makilala na ang mga namaril sa dating konsehal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.