Ito ay sa kabila ng mga isyu na kinahaharap ng rehiyon tulad ng maritime dispute sa South China Sea kung saan ilang miyembro ng ASEAN ang nag-aagawan dito.
Sa kanyang mensahe sa closing ceremony ng 50th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Philippine International Convention Center, sinabi ni Cayetano na naging matagumpay ang kanilang pag-uusap at nagkaroon sila ng consensus sa mga pangunahing isyu ng rehiyon.
Samantala, binweltahan din ni Cayetano ang mga kritiko nang husgahan na babagsak at mabibigo lamang ang hangarin ng ASEAN.
Ayon kay Cayetano, nagkamali ang mga kritiko dahil makalipas ang 50 taon ay tagumpay na napatatag, napayapa at napaunlad ng ASEAN ang rehiyon sa gitna ng mga hamong hinarap mula sa pagkakaiba ng ideolohiya, paniniwala, sistemang pampulitika at kultura.
Kasabay nito, inihayag ni Cayetano na umaasa siyang iuuwi ng mga kapwa foreign minister sa kanilang mga puso ang Filipino hospitality, pagmamahal sa kapitbahay na bansa at pagsasabuhay sa diwa ng ASEAN bilang iisang komunidad.
Samantala nanawagan naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bansang kasapi ng ASEAN na palakasin pa ang alyansa para masiguro ang kaligtasan ng rehiyon sa banta ng terorismo at transnational crime.
Inendorso rin ng pangulo ang Regional Comprehensive Economic Partnership.
Binigyan din ng pagkilala ang limang founding fathers ng asean na sina foreign ministers Adam Malik ng Indonesia, Narciso Ramos ng Pilipinas,
Tun Abdul Razak ng Malaysia, S. Rajaratnam ng Singapore at Thanat Khoman ng Thailand.
Si dating pangulong Fidel Valdez Ramos ang tumanggap ng token para sa kanyang ama na isa sa mga founding fathers ng ASEAN.
Dumalo rin closing ceremony ng Asean Foreign Ministers meeting si Vice President Leni Robredo at ilan pang kalihim ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.