(update) Dahil sa akalang dadalhin siya sa rehab, bigla na lamang pinagbabaril ng isang suspek ang isang kulay puti na Hyundai Van habang bumibiyahe sa bahagi ng White Plains sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Edgardo Tinio, inakala ng suspek na si Jose Maria Abaya – 50 anyos na ang nasabing van na may plakang TWJ 222 ang magdadala sa kaniya sa rehab.
Ang van kasi na kulay puti ay halos kahalintulad ng mga ambulansyang ginagamit na service sa pagsundo at pagdadala sa mga pasyenteng kailangang ipa-rehab.
Ang suspek na si Abaya ay anak ni yumaong Police Constabulary General Antonio Abaya at kamag-anak rin ng dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Narciso Abaya.
Dahil sa walang kaabog-abog na pamamaril ni Abaya, patay ang walang kamalay-malay na biktimang si Joy Santos na residente ng Marikina City habang nasugatan ang dalawa pang pasahero ng van na sina Ronbert Azares at Duke Angelo David na kapwa residente din ng Marikina. Ginagamot sa Medical City sina Azares at David.
Sinabi ni Tinio na base sa record ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), si Abaya ay nakasuhan na noon matapos pagbabarilin ang mga maghahatid sa kaniya sa rehabilitation center.
Pinagbabaril umano noon ni Abaya ang dalawang gwardya na dapat ay magdadala sa kaniya sa drug rehabilitation, kung saan isa sa mga biktima ang nasawi.
Nasampahan ng kasong homicide si Abaya, pero dahil may pera ang kaniyang pamilya ay nagpa-areglo aniya ang mga biktima at ito ay nakalaya.
Nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw ng QCPD si Abaya, matapos kusang sumuko sa mga otoridad.