Ipinag-utos ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol ang pagpatawa ng temporary ban sa limampu’t limang importer ng bawang na konektado sa garlic cartel na nag-ooperate sa bansa batay sa ulat ng Department of Justice.
Sa isang pagdinig, kinuwestyon ni Sen. Cynthia Villar, chairman ng Senate committee on agriculture and food, ang ilang opisyal ng Bureau of Plant Industry kung bakit nasa listahan pa rin ng accredited garlic importers ang mga ito gayung tinukoy na sa report ng DOJ noong 2014 na sila ay cartel operators.
Inilabas ang naturang report ng DOJ matapos ang pag-iimbestiga ng Senado noong 2014 sa pagdoble ng presyo ng bawang kahit pa wala naman kakulangan sa suplay nito sa merkado.
Nakasaad din sa report ng DOJ-Office for Competition ang modus operandi ng cartel, kung saan kontrolado nito ang 75 percent ng suplay ng bawang sa bansa.
Sinabi ni Villar kay Piñol na dapat ay nasa blacklist na ang naturang mga importer ng bawang.
Kinuwestyon din ng senadora kung bakit tumagal ang paghahain ng DOJ ng kaso laban sa mga importers gayung matagal nang sinabi ng ahensya na mayroong garlic cartel.
Dahil dito, sinabi ni Piñol na maglalabas sila ng temporary ban sa mga importers.
Hindi aniya maaaring ipatupad ang permanent ban sa mga importer hangga’t walang valid na legal ground.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.