Metro Manila at mga kalapit na probinsya, pinaghahanda sa El Niño

el-ninoPinaalalahanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente ng Metro Manila at mga kalapit na probinsya sa matinding epektong dulot ng El Niño na mararamdaman sa mga susunod na buwan.

Ayon sa PAGASA, malinaw ang indikasyon mula sa lahat ng maaasahang climate prediction models ng iba’t ibang malalaking international agencies na may matinding El Niño na nakaamba at nabubuo sa Pacific Ocean.

Sa pahayag ni senior weather specialist Analisa Solis sa isang briefing kahapon, sinabi nitong may 90% chance na tumagal ang epekto ng El Niño hanggang sa unang quarter ng 2016 at 70% naman na maaaring tumagal ito hanggang sa ikalawang quarter ng susunod na taon.

Nauna nang inihayag ng PAGASA at ng United States National Oceanic and Atmospheric Administration na maaaring ito ang pinakamalakas na pagganap ng El Niño sa record na inaasahang magdadala ng mas mahabang tagtuyot at malalakas na bagyo.

Dagdag pa ni Solis, ayon sa kanilang pinakahuling six-month climate outlook, karamihan sa mga bahagi ng Southern Luzon at Visayas, at Western Mindanao ang makakaranas ng katamtamang tag-init.

Samantala bilang paraan ng paghahanda sa magiging epekto ng El Niño phenomenon sa mga paparating na buwan, nagbawas na ng suplay ng tubig sa Metro Manila ang National Water Resources Board.

Ibababa ng NWRB ang flow rate ng tubig hanggang 38 cubic meter per second na lamang mula sa dating 41 cms, na magiging dahilan ng paghina ng daloy ng tubig sa mga gripo ng mga residente ng Metro Manila.

Sinabi naman ni NWRB Executive Director Sevillo David, Jr., na tama lamang na magbawas na ngayon ng tubig, upang may sapat parin na suplay na maibibigay kapag dumating na ang El Niño.

Isa rin sa mga dahilan kaya ito gagawin ay ang mababang lebel ng tubig sa Angat Dam kahit na patuloy na nararanasan ang pag-ulan sa mga nagdaang linggo.

Ani David, maaari ring mauwi sa pagsasagawa ng scheduling at interruption of services sa mga consumers pero siniguro naman niya na sakaling mangyari ito, maaga nila itong iaanunsyo at bibigyan naman aniya ang mga residente ng sapat na panahon para mag-ipon ng tubig sa kanilang mga kabayahan.

Ayon naman sa pinuno ng operations unit ng Maynilad na si Ronald Padua, ang pagbabawas ng supply ay makakaapekto sa mga bahagi ng mga lungsod ng Caloocan, Quezon, Valenzuela, Parañaque at sa Cavite.

Read more...