Southbound lane ng Roxas Boulevard, pitong oras na isasara sa mga motorista
Pitong oras na ipatutupad ang total closure sa southbound lane ng Roxas Boulevard sa Maynila dahil sa aktibidad para sa 50th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Ministers Meeting.
Dahil sa isasagawang parade and lighting activity ngayong araw, isasara ang southbound lane ng Roxas Boulevard mula sa tapat ng Museo Pambata sa Padre Burgos hanggang sa Buendia.
Ang mga apektadong motorista na patungo sa southbound ay pinapayuhan na kumaliwa sa P. Burgos patungong Finance Road, kanan sa Taft Avenue patungong Buendia at saka kakaliwa sa Roxas Boulevard patungo sa destinasyon.
Ipatutupad din ang total truck ban ngayong maghapon sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Ang mga apektadong truck mula sa Buendia ay pinapayuhang dumaan sa EDSA patungo sa South Super Highway hanggang Port Area.
Maghapon ding sarado ang palibot ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at idineklarang ASEAN Delegates Zone.
Ipinagbawal din ng NCRPO at MMDA ang pagdaan ng mga motorista sa bahagi ng Atang Dela Rama, Vicente Sotto, Leano Florento at Juan Arellano streets dahil ekslusibong ipagagamit ang nasabing mga kalsada sa palibot ng Philippine International Convention Center at Sofitel grounds sa mga delegado ng ASEAN at mga guest.
Ang parade and lighting program ang hudyat ng pagtatapos ng week-long na ASEAN foreign ministers meeting.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.