Bangkay, anim na oras na natengga sa crime scene dahil sa pagtuturuan kung sino ang hahawak ng kaso
Inabot ng mahigit limang oras na nakahandusay ang bangkay ng isang lalakeng biktima ng pamamaril ng riding-in-tandem sa pagitan ng Bgy. 527 sa Maynila at Bgy. Don Manuel sa Quezon City kagabi dahil sa turuan ng mga kinauukulan kung kaninong hurisdiksyon ang lugar kung saan naganap ang krimen.
Una nang pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktimang nakilala lamang sa alyas nitong ‘Intsik’ makaraang maabutan ng mga lalakeng nakamotorsiklo habang naglalaro ng kara y krus sa Matimyas St. bago mag alas-9:00 ng gabi.
Matapos ito ay agad nang tumakas ang mga suspek.
Gayunman, inabot pa ng ilang oras bago naialis ang bangkay ng biktima sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Ito’y dahil naging palaisipan pa kung bahagi ng QC o Maynila ang lugar na pinangyarihan ng pamamaril.
Kalaunan, ang Quezon City Police District na ang humawak at nagproseso sa crime scene at humawak ng kaso.
Naalis lamang ang bangkay ng biktima dakong alas 2:45 ng madaling-araw o mahigit-kumulang anim na oras matapos itong mapatay ng mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.