Ghost projects gamit ang Pork Barrel, nabuko ng Ombudsman

By Isa Avendaño-Umali September 01, 2015 - 09:31 PM

office-of-the-ombudsman
Inquirer file photo

Isiniwalat ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na maraming politiko sa bansa ang gumagamit pa rin ng Pork Barrel para sa umano’y ghost projects.

Sa budget deliberation ng House Appropriations Committee, sinabi ni Morales na noong Agosto, na kilalang “ghost month”, nadiskubre raw ng Ombudsman ang napakaraming ghost projects at ghost people.

Ayon pa kay Morales, batay sa ginawang validation ng Ombudsman, pinalalabas daw ng mga politiko na may proyekto sila ngunit karamihan daw sa mga ito ay ghost projects.

Nang tanungin ni Kabataan Party List Rep. Terry Ridon kung sangkot sa ghost projects ang Priority Development Assistant Fund o PDAF, sinabi ni Morales na “previous and current.”

Ibig sabihin, ilan sa mga respondent sa dati at kasalukuyang kaso ay ipinalalabas na mayroong proyekto, gamit ang PDAF.

Kinumpirma ni Morales na nagsasagawa na ang Ombudsman ng fact finding investigation ukol sa usapin.

Gayunman, hindi na naglabas ng iba pang detalye si Morales hinggil sa ghost projects, dahil baka akusahan daw siya ng pamumulitika.

Inamin pa ni Morales na malaki ang gastos ng Ombudsman sa mga pagsisiyasat nito gaya sa ghost projects, subalit hindi raw sapat ang tatlong milyong piso sa napakarami nilang trabaho.

Sa orihinal na hirit ng Ombudsman, 5.2 million pesos daw sana ang intelligence fund, na hindi hamak na kakarampot kumpara noong mga nakalipas na pinuno ng ahensya na aabot sa 20 million pesos ang intelligence fund.

TAGS: ombudsman conchita carpio-morales, Ombudsman discovered ghost projects, Radyo Inquirer, ombudsman conchita carpio-morales, Ombudsman discovered ghost projects, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.