Mga taga-Customs na naakusahang tumatanggap ng suhol kanya-kanyang tanggi
Kanya-kanyang tanggi ang mga opisyal ng Bureau of Customs na pinangalangan ng customs broker na si Mark Taguba na tumanggap ng lagay mula sa kanya.
Ayon kay Deputy Commissioner for Intel Atty. Teddy Raval, hindi nya kilala si Taguba at wala rin siya tinatanggap mula rito.
Hindi rin nya anya kilala ang isang nangngangalang Gerry na tumatanggap ng lagay para sa kanya dahil lima lamang sila sa kanyang opisina.
Sa panig naman ni Atty. Vincent Philip Maronilla, District Collector ng Manila International Container Port sinabi nito na wala siyang hiningi kay Taguba para sa kanya o para sa kanyang opisina.
Nakita rin lamang anya niya si Taguba noong nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BOC kaugnay sa lumusot na P6.4B shabu.
Sinabi naman ni CIIS Director Col. Dennis Estrella na hindi sila tumatanggap ng suhol mula kay Taguba.
Tanong pa nga ni Estrella, kung kumukolekta sila ng lagay mula kay Taguba ay bakit nila ito hinuli.
Maghahain naman ng resignation letter si Deputy Commissioner Milo Maestrecampo at handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon ukol dito.
Sinabi pa nito na maaring isa siyang rebelde pero hindi siya magnanakaw.
Umaasa naman si Maestrecampo na malilinis ang pangalan ng mga walang kinalaman sa pagtanggap ng lagay.
Sa panig naman ni MICP CIS OIC Teddy Sagaral na sa tagal na niya sa militar ay ngayon lamang nadawit ang kanyang pangalan sa korapsyon.
Handa rin anya siyang humarap sa anumang imbestigasyon ukol sa ibinunyag ni Taguba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.