PNP-Highway Patrol Group, inatasan pangasiwaang muli ang trapiko sa EDSA

EDSA TRAFFIC/ OCTOBER 28, 2014 Slow moving traffic at Edsa  INQUIRER PHOTO / NIÑO JESUS ORBETA
Inquirer file photo

Inatasan ni Pangulong Noynoy Aquino III ang PNP Highway Patrol Group na tumulong na muli sa pagmando ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, mula Monumento sa Caloocan City hanggang sa Rotunda sa Pasay City.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Police Superintendent Oliver Tanseco, ang tagapagsalita ng HPG, may anim na silang tinukoy na chokepoints sa EDSA.

Ito ay ang Balintawak sa boundary ng Caloocan City at Quezon City; sa Cubao, Quezon City; sa Ortigas intersection sa Mandaluyong City; EDSA-Crossing sa Mandaluyong City, Guadalupe sa Makati City at sa Rotunda-Taft sa Pasay City.

Aniya magtatalaga sila ng paunang 96 HPG personnel sa mga nabanggit na lugar para pangunahan ang pagmamando ng daloy ng trapiko.

Bagaman ilan taon silang nag-focus sa Anti-Carnapping at Anti Hijacking operations, nilinaw ni Tanseco na hindi naman sila mangangapa para maipatupad ng maayos ang utos ni Ginoong Aquino sa katuwiran niya na bahagi naman ng kanilang training ang traffic management.

Nilinaw din nito na magiging katuwang pa rin nila ang traffic constables ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil na rin sa bagong programang Oplan Kambal-Tambal.

“Hindi naman kami lang ang magma-manage ng traffic sa EDSA kumbaga sa ngayon nagkaroon lang ng kuya ang mga taga-MMDA,” ani Tanseco.

Binanggit din ng opisyal na may pagsasanay din sila sa pakikiharap sa mga motorista na umiinit ang ulo dahil sa traffic sabay giit na gagawin nila ang panibagong hamon na ito ng bukas ang pag-iisip at sa may respetong pamamaraan.

Sa Lunes pa nila pormal na sisimulan ang kanilang bagong mandato, sinabi ni Tanseco simula sa darating na huwebes at biyernes ay magtatalaga na sila ng mga tauhan sa anim na chokepoints sabay na hindi pa sila mag-iisyu ng tiket sa mga motorista na mahuhuling lalabag sa mga batas-trapiko.

“24/7 araw-araw ang gagawin namin pagbabantay at kung kakailanganin na magdagdag pa kami ng mga tao ay makakaya naman namin,” sabi pa ng opisyal.

Idinagdag pa ni Tanseco na bukod sa traffic management and enforcement makakatulong na rin sila sa increased police visibility for street crime prevention campaign ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez.

Read more...