Mga BOC officials na tumatanggap ng “tara” pinangalangan sa Kamara
Isa-isang kinilala ng Customs Broker na si Mark Taguba ang ilang mga opisyal ng Bureau of Customs na umano’y tumatanggap ng suhol sa ahensiya.
Si Taguba na tumatayong testigo sa imbestigasyon ng Kamara sa P6.4 Billion na shabu shipment ay nagsabi na ilang mga tauhan ng BOC ang regular na tumatanggap ng “tara” o padulas bilang kapalit ng paghingi ng pabor.
Kabilang sa kanyang mga pinangalanangan ay sina Deputy Commissioner Teddy Raval, Manila International Container Port District Collector Atty. Vincent Philip Maronilla, Customs Intelligence and Investigation Services Director Neil Estrella at Customs Intelligence and Investigation Officer Teddy Sagaral.
Isinabit rin ni Taguba ang miyembro ng Magdalo na si Milo Maestrecampo na ngayon ay Import and Assessment Director ng BOC.
Kabilang rin sa mga listahan ni Taguba ang isang pinangalangan lamang bilang “Major Gutierrez”, “Maita Acevedo” at “Jason”.
Kaagad namang naghain ng kanyang manifestation si Cong. Fred Castro ng Iloilo na kaagad na bigyan ng seguridad si Taguba dahil sa kanyang mga inihayag.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Kamara ay mariing itinanggi ng mga tinukoy na opisyal ang kanilang pagpapasangkot sa katiwalian.
Kanilang ring binigyang-diin na nakahanda silang humarap sa lahat ng mga gagawing imbestigasyon para linisin ang kanilang pangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.