Ombudsman, hiniling sa Kongreso na magamit ang savings at income dahil kapos ang 2016 budget nito

By Isa Avendaño-Umali September 01, 2015 - 08:25 PM

ombudsman morales inquirer
Inquirer file photo

Humihirit ang Office of the Ombudsman sa Kongreso na magamit ang savings at income ng kagawaran upang punuan ang “kakapusan” sa pondo nito sa taong 2016.

Sa budget hearing ng House Appropriations Committee, sinabi ni Morales na nasa 30 percent ang kinaltas ng Deparment of Budget and Management o DBM sa pondo nila para sa susunod na taon.

Sa orihinal na panukala ng Ombudsman, 2.835 billion pesos ang hinihingi ng kagawaran, subalit nasa 1.775 billion pesos lamang ang ibinigay ng DBM.

Bunsod nito, sinabi ni Morales na sana raw ay mabigyan sila ng otorisasyon ng Kongreso upang magamit ng Ombudsman ang savings at income.

Wala namang tutol dito si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na kasalukuyang may Pork Barrel scam case na kinakaharap sa Ombudsman.

Katwiran ni Rodriguez, malaki ang pangangailangan ng Ombudsman para maipursige ang mga reklamong nakahain sa tanggapan nito, pero nakakagulat na tinapyasan ng DBM ang pondo nito.

Giit ni Rodriguez, ibalik dapat ng DBM ang inalis na budget ng Ombudsman, bukod pa sa mabigyan ng authorization upang magamit ang savings.

Sa panig naman ni BayanMuna Party List Rep. Carlos Isagani Zarate, dapat mapaglaanan ng malaking pondo ang Ombudsman para maging epektibo ang Anti Graft body.

TAGS: Ombudsman budget, ombudsman conchita carpio-morales, Radyo Inquirer, Ombudsman budget, ombudsman conchita carpio-morales, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.