Criminal record ng napaslang na konsehal sa Pasay, pinag-aaralan ng pulisya

INQUIRER FILE PHOTO

Pinag-aaralan ngayon ng mga imbestigador ang criminal records ng napaslang na konsehal ng Pasay City na si Borbie Rivera.

Ito ay para mabatid kung ano ang posibleng motibo sa pagpatay kay Rivera sa labas ng isang mall sa Las Piñas.

Ayon kay Southern Police District director Chief Supt. Tomas Apolinario, iniimbestigahan nila ngayon kung sangkot ba si Rivera sa kalakalan ng iligal na droga batay na rin sa rekord ng pulisya.

Dati nang isinangkot si Rivera ng professed hired killer na si Alvin Nidua sa pagpatay sa race car driver na si Enzo Pastor.

Noong 2014, naglabas ng sworn statement si Nidua kung saan sinabi nito na kinausap siya ni Rivera at ng isang pulis para patayin si Pastor.

Hindi niya aniya tinanggap ang trabaho dahil maliit ang inaalok na bayad sa kanya.

Noong 2015 naman, naaresto si Rivera dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa isang drive-by shooting incident kung saan isa ang nasawi at siyam naman ang sugatan sa Barangay Pio del Pilar sa Makati.

Napalaya si Rivera noong April 2016 matapos ibasura ng korte ang kaso laban sa kanya.

Noong nakaraang June 2016, nakaligtas naman si Rivera sa pananambang sa Pasay City.

Read more...