Naniniwala ang isang kongresista na posibleng maging dahilan ng pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng Bureau of Customs ang pagkuha nila ng mga dating atleta bilang mga technical assistants.
Sinabi ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu na dapat ay may kasanayan at mataas na standards na sinusunod ang BOC sa pagkuha ng kanilang mga tauhan.
Kaugnay nito, sinabi ng naturang mambabatas na isasailalim nila sa masusing review ang 201 files ng mga dating basketball player na kinuha ng grupo ni Commissioner Nicanor Faeldon bilang mga empleyado ng ahensya.
Nilinaw rin ni Abu na walang masama sa pagkuha ng mga empleyado ng BOC na mga dating atleta pero dapat ay sulit ang ibinabayad sa kanilang ng ating pamahalaan.
Nauna nang lumutang sa imbestigasyon ng Kamara na inilagay sa ilalim ng Intelligence Group at Office of the Commissioner ang pangalan ng ilang mga atleta.
Sa nasabi ring imbestigasyon ay inamin ni Faeldon na kinuha niya ang serbisyo ng nasabing mga dating players ng PBA dahil sumali ang BOC sa isang basketball league na inorganisa ng isang TV Network.