Mga opisyal ng BOC, tumatanggap ng lagay ayon sa broker; 2 tonelada pang shabu, nawawala
Ibinunyag ng customs broker at importer na si Mark Taguba na nagbibigay siya ng “lagay” sa Bureau of Customs.
Sa pagharap niya sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Taguba na may mga opisyal ng Customs na nasa hearing ang tumatanggap ng lagay mula sa kanya.
Sa bawat container aniya ay P170,000 umano ang bayad ng shipper.
Ibinabayad aniya ang P40,000 dito sa taripa, 1,500 pesos ang napupunta sa consignee, P10,000 ang napupunta kay Taguba, habang P27,000 naman sa nalalabi ay napupunta na sa mga opisyal ng BOC.
Hindi naman direktang pinangalanan ni taguba kung sino ang tumatanggap ng lagay mula sa kanila.
Ayon pa kay Taguba, hindi bababa sa 500 shipments o containers ang hinawakan niya mula Marso hanggang Mayo lang nitong taon.
Gayunman, dumipensa si Taguba na wala siyang alam na mayroon palang laman na shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon ang shipment noong May 23.
Base naman sa testimonya ng mga opisyal ng Customs, umabot sa 630 ang shipments na hinawakan ni Taguba sa loob ng nasabing tatlong buwan. Dahil dito, tinatayang pumapatak sa P17 milyon ang naibigay na “lagay” sa mga opisyal.
Samantala, mayroon namang nawawalang hindi bababa sa 18 crates ng shabu mula sa shipment na nakumpiska ng mga opisyal ng Customs.
Sa imbestigasyon kasi, nakasaad sa mga dokumento na kabuuang 23 crates ng shabu ang ipinadala sa warehouse sa Valenzuela City.
Gayunman ayon kay Quirino Rep. Dakila Cua, limang crates lang ang narekober ng BOC sa raid.
Tinatayang nasa P22.5 billion ang halaga ng mga nawawalang shabu na hinihinalang may bigat na dalawang tonelada.
Sa kabila ng umano’y nawawalang mga crates ng shabu, walang natanggap ang Kamara na anumang report mula sa BOC tungkol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.