Ombudsman, malapit nang maglabas ng pasya ukol sa Malampaya funds anomaly
Tiniyak ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na nalalapit na ang paglalabas ng desisyon kung magsasampa ng kaso kaugnay sa anomalya sa paggamit ng Malampaya funds.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa panukalang 2016 Budget ng Office of the Ombudsman, sinabi ni Morales na hawak na niya ang report ng panel of investigators, ukol sa reklamo sa maling paggamit daw ng pondo ng Malampaya.
Ayon kay Morales, sa ngayon ay pinag-aaralan pa niya ang report, subalit hindi siya makapagbigay ng petsa kung kailan mailalabas ang opisyal na desisyon dito.
Sa Malampaya funds anomaly, aabot daw sa 900 million pesos na para sana sa Energy related projects ng Local Government Units o LGUs ang nawaldas lamang.
Kabilang sa mga sabit sa anomalya ang tinaguriang Pork Barrel Scandal queen na si Janet Lim-Napoles, at ang state witness sa Pork Barrel cases na si Ruby Tuazon.
Kaugnay naman sa Fertilizer fund scam, sinabi ni Morales na may natitira pang ibang personalidad na posibleng makasuhan.
Hawak din umano niya ang report sa kaso, at kasalukuyang isinasailalim sa review.
Inamin ni Morales na may delay, pero ito raw ay dahil sa kabiguan ng pagsusumite ng counter affidavit ng ilang respondents, habang ang iba ay hindi pa matunton.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.