Malakas na buhos ng ulan ang naranasan sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan dahil sa Habagat na umiiral sa buong bansa.
Sa abiso ng PAGASA alas 5:33 ng umaga, malakas na buhos ng ulan na mayroong kaakibat na malakas na hangin ang nararanasan Metro Manila, mga bayan ng Obando, Marilao, San Jose Del monte at Norzagaray sa Bulacan; Batangas City at Taysan, Batangas; Imus, Cavite City at Bacoor sa Cavite; at sa ilang bahagi ng Rizal.
Ayon sa PAGASA, ang lalawigan ng Quezon ay makararanas din ng malakas na pag-ulan.
Una nang nagtaas ng yellow rainfall warning ang PAGASA sa Zambales at Bataan at dahil sa patuloy na buhos ng ulan.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na mag-ingat sa flashfloods na maaring idulot ng pag-ulan sa mga mabababang lugar.
Sa weather forecast ng PAGASA, umiiral pa rin ang Habagat sa buong bansa.
Ayon sa PAGASA, mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan na may malakas na hangin ang mararanasan sa Metro Manila, Visayas, mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bico, Caraga, Northern Mindanao, Davao, at Zamboanga Peninsula.