Tunay na layunin ng INC sa 5 araw na kilos-protesta, hindi malinaw-Dinky Soliman

September 01, 2015 - 12:14 PM

11911051_10206275396658981_642900752_n
Inquirer file photo

Hindi yumukod ang pamahalaan sa anumang naisin ng Iglesia ni Cristo. Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni DSWD Secretary Dinky Soliman.

Ang totoo ani Soliman, hindi malinaw ang tunay na layunin ng INC sa kanilang isinagawang kilos-protesta at kung ano talaga ang gusto ng mga ito. Isa lang ang tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga kritikal na oras ng krisis sa EDSA lalo na noong Linggo ng gabi, ika-30 ng Agosto ayon kay Soliman at ito aniya ay ang pag-iral ng Rule of Law.

Si Soliman ay kabilang sa mga cabinet members na dumalo sa emergency meeting sa Bahay Pangarap na opisyal na tirahan ng pangulo.

“Hindi ho maliwanag talaga ang kanilang layunin kung bakit sila nandoon, ‘yung ordinaryong mamamayan sumunod lang sila sa kanilang mga pinuno. So ang gusto ho ng Pangulo ay siguraduhing yung hindi ho masasaktan ang mga ordinaryong tao, at hindi rin makakaperwisyo sa milyong mga taong dadaan ng EDSA,” ani Soliman.

Ayon pa kay Soliman naniniwala ang pamahalaan na ang mga ordinaryong kaanib ng INC ay hindi lubos na nauunawaan ang proseso ng batas at sumunod lamang sila sa utos ng kanilang namamahala sa kanilang relihiyon. “Baka hindi lubos na naunawaan ng mga ordinaryong mamamayan na nasa kapatiran ng INC ang proseso ng batas. At dapat ay naipaliwanag iyon ng pamunuan ng INC sa kanilang mga tagasunod, na dadaanan talaga ang proseso ng batas,” paliwanag pa ni Soliman. Sa punto ng pagpapaliwanag sa proseso ng batas, may pagkukulang umano ang INC sa hanay ng kanilang mga kaanib.

Nag-ugat ang kilos-protesta ng INC sa reklamong “illegal detention” ng isa sa mga dati nilang ministro na si Isaias Samson Jr., laban naman sa ilang kasapi ng Sanggunian ng INC. Iginiit ng INC ang prinsipyo ng paghihiwalay ng Church and State ngunit iginiit naman ng DOJ ang karapatan ng estado na imbistigahan ang mga kasong kriminal anuman o sinuman ang tatamaan nito.

Inamin din ni Soliman na sa pulong sa Bahay Pangarap, tinalakay ang “peaceful dispersal” para sa mga kaanib ng INC sakaling hindi na sila makakuha ng permit na magpapalawig ng kanilang pananatili sa EDSA. “Ang instruction ng pangulo, orderly dispersal, hanggat maaari, walang masasaktan,” dagdag pa ni Soliman.

Sa kasagsagan ng kilos-protesta ng INC sa EDSA, tinaya ng Eastern Police District na nasa higit sa 20,000 ang mga kaanib ng sektang pang-relihiyon ang dumating. Ngunit ayon sa mga kaanib sa INC, higit pa roon ang bilang na dumating bagaman hindi naman nagbigay ng opisyal na bilang ang tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala kung ilan sa kanilang mga kasapi ang naroon maliban sa pagsasabing, “Iisa ang tinig ng mga kaanib ng INC na nasa EDSA”.

Nilisan ng INC ang EDSA sa paniwalang naiparating nila nang malinaw ang kanilang mensahe sa pamahalaan.

TAGS: Dinky Soliman, inc protest, Dinky Soliman, inc protest

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.