Ito ang paglalarawan ni Sen. Leila De Lima sa naganap na police raid sa Ozamiz City na nagresulta sa pagkasawi ni Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, Sr., asawang si Susan at labing tatlong iba pa.
Ayon sa senadora, ang raid ay isang massacre at hindi kapani-paniwalang isang regular law enforcement operation.
Sa pahayag na ipinadala nito mula sa kanyang detention facility sa Camp Crame, mariin ding inakusahan ni De Lima ang Pangulo na isa itong paraan para sirain at patahimikin ang mga nagiging kakampi sa vigilantismo.
Matatandaan na mariing inaakusahan ni De Lima ang pangulo na nasa likod ng sunod-sunod na patayan sa Davao City na tinagurian niyang Davao Death Squad o DDS.
Ayon sa senadora, ang Pangulo at ang mga Parojinog ay brothers-in-arms sa pagpapatakbo sa mga grupo ng vigilante sa Mindanao.
Matapos ang Kuratong Baleleng rub-out na nangyari noong 1995, sinabi ni De Lima na ang Ozamis raid na ito ay ang ‘part 2’ at hindi pa umano natuto ang mga opisyal ng pambansang kapulisan sa nangyari 21 taon na ang nakalilipas.
Hindi aniya nararapat ang ganitong klaseng kamatayan para pagbayaran ng mga Parojinog o nang sinumang kriminal ang kanilang mga kasalanan.
Ang kailangan daw ng bansa ayon sa Senadora para wakasan ang mga krimen ay pagpapatibay sa “rule of law.”