Kakasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Leyte Congressman Eduardo Veloso ng graft at malversation dahil sa maling paggamit nito ng kanyang P24 Million na bahagi ng kanyang Priority Development Assistant Fund (PDAF).
Sa statement na inilabas ng Ombudsman, sinabi nito na natanggap ni Veloso ang kanyang PDAF noong 2007 na gagamitin umano para sa livelihood at development projects para sa kanyang mga constituents.
Sa hiling ni Veloso, pinadala ang PDAF sa isang NGO na Aaron Foundation Philippines, sa pamamagitan ng Technology Resource Center.
Ngunit sa imbestigasyon, lumabas na hindi naman nagamit ang pondo para sa kahit anong livelihood at development projects.
Ayon sa Ombudsman, pawang mga ghost projects lamang pala ang mga ito.
Napag-alaman din ng Commission on Audit na ang nasabing NGO ay wala namang kapasidad na isagawa ang mga proyekto dahil umaabot lamang sa P68,000 lamang ang capital stocks nito.
Kasamang kakasuhan sina dating TRC Executive Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Marivic Jover, Francisco Figura, at Maria Rosalinda Lacsamana.