Customs nagmagaling sa Valenzuela drug raid ayon sa PDEA
Isiniwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency – National Capital Region (PDEA-NCR) Regional Director Wilkins Villanueva sa kanyang pagharap sa House Committee on Dangerous Drugs ang paglabag sa batas ng isinagawang raid ng Bureau of Customs sa Valenzuela City.
Ayon kay Villanueva pagdating ng grupo ng PDEA sa Homfei Warehouse kung saan isinagawa ang raid, lahat ng shabu sa apat sa limang cylinders ay nakalatag na sa sahig.
Sinabi nito na contaminated na ang mga nasabing shabu dahil kung sino sino na ang humawak nito. Nanggagalaiting sinabi ni Villanueva na mali ang BoC dahil hindi dapat ang mga ito umano ang nanguna sa raid sapagkat trabaho ito ng PDEA.
Dagdag pa ni Villanueva, makailang ulit din niyang iginiit kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon na gawin ang controlled delivery strategy bilang wala naman silang hawak na search warrant.
Pinilit din anya niya si Faeldon na ibalik sa limang container ang mga shabu para magsagawa ng controlled delivery pero hindi pumayag si Faeldon.
Sinabi anya ni Faeldon na kahit isang container lamang ay maari ng magsagawa ng operasyon para malaman kung kanino makakarating ang nasabing shabu.
Sa bandang huli, isang container lamang anya ang kanilang nagamit sa operasyon dahil sa katigasan ng ulo ni Faeldon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.