WATCH: 3 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Maynila at Makati

By Cyrille Cupino August 01, 2017 - 07:44 AM

Kritikal ngayon sa ospital ang dalawang magkaibigan matapos bumangga sa isang delivery van sa kanto ng Katigbak Drive at Roxas Blvd., sa Ermita, Maynila.

Kinilala ang mga biktimang sina Jay-ar Toling at Ariel Tejada na sakay ng isang motorsiklo at kapwa walang suot na helmet.

Ayon sa kaibigan ng mga biktima na sakay pa sa isang motorsiklo, galing sila sa inuman at pauwi na sana sa Navotas.

Nagulat na lamang umano sila nang makarinig ng malakas na kalabog habang sila ay naka-hinto dahil naka-red light.

Nakita nila ang mga kaibigan na duguan at naka-bulagta na sa gitna ng kalsada.

Ayon naman sa driver ng delivery van na si Paolo Veloso, naka-green light na sila kaya dumiretso, pero nagulat na lamang rin sila nang may kumalabog sa gilid ng sasakyan.

Nayupi ang gilid ng van at tumagas pa ang gasolina nito sa lakas ng impact.

Samantala, sugatan rin ang isa pang motorcycle rider matapos magulungan ng truck sa Magallanes Flyover sa Makati City.

Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng lalaking biktima na sakay ng kulay pulang Honda motorcycle na wala pang plaka.

Nabalian ng buto sa kanang braso ang biktima matapos pumailalim sa gulong ng truck na may plakang RLV 424 at may kargang buhangin.

Ayon sa driver na si Nicole Singian, 26 anyos, galing sila sa Porac, Pampanga at papunta sana ng Batangas nang biglang sumingit ang motorsiklo sa gilid ng kanyang truck.

Dahil nasa gilid ng flyover, hindi na umano nagawang iwasan ni Singian ang motor.

Hinala naman ng mga imbestigador, maaring iniwasan ng rider ang nakitang matinding lubak sa daan kaya kumabig ito sa direksyon ng truck.

Mahaharap naman ang truck driver sa reckless imprudence resulting to physical injury.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.