WATCH: Bolivian national, arestado matapos mahulihan ng cocaine sa NAIA

By Cyrille Cupino August 01, 2017 - 07:40 AM

Arestado ang isang babaeng Bolivian national matapos mahulihan ng cocaine sa kanyang bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Kinilala ang suspek na si Maria Hinojosa Bazan, 50 anyos, na unang beses pa lamang bumisita sa Pilipinas.

Ayon kay Deputy Task Commander Marjuvel Bautista ng NAIA-Inter-agency Drug Task Group, nakatanggap sila ng impormasyon na may papasok na droga sa bansa na dala ng isang babaeng courier mula Bolivia.

Itinago ang hindi pa malamang dami ng cocaine sa loob ng apat na makakapal na winter jackets.

Ayon naman sa suspek na nahirapang magsalita at makaunawa ng Ingles, hindi niya alam na may kontrabando sa loob ng mga jacket.

Paliwanag pa ng suspek, ipinadala lamang sa kanya ang bagahe ng kasintahan ng kanyang kaibigan, kapalit ng pagsagot nito sa gastusin sa operasyon ng kanyang paralitikong anak.

Dalawampung araw lamang umano siyang mananatili sa Pilipinas, at ihahatid lamang ang bagahe sa isang hotel.

Ayon kay Bautista, hindi pa nila matiyak kung gaano kadami ang droga at kung magkano ang halaga nito dahil naka-dikit pa ito sa mga jacket.

Mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang nahuling Bolivian national.

Dagdag pa ni Bautista, hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nahuli silang kahalintulad na modus.

Disyembre ng nakaraang taon nang mahuli ang isang babaeng Russian na may dala ring high-grade na cocaine na isinilid rin sa loob ng kanyang jacket.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.