Magandang panahon, asahan na sa paglabas ng Bagyong Huaning sa Pilipinas

Asahan na ang magandang panahon ngayong linggo sa Northern at Central Luzon matapos makalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyong Huaning.

Pero nagbabala ang PAGASA ng malakas na alon sa mga baybayin sa Northern Luzon at Central Luzon bunsod ng habagat.

Sa 24-hour weather forecast ng PAGASA, nakasaad na makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera at mga lalawigan ng Zambales at Bataan.

Iiral naman ang maulap na may panaka-nakang pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.

Noong nakaraang linggo, nakaranas ng malakas na buhos ng ulan ang malaking bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila at Visayas matapos palakasin ng bagyong Gorio at Huaning ang habagat.

Samantala, binabantayan ngayon ng PAGASA ang panibagong bagyo na may international name na Noru na nasa silangan ng extreme Northen Luzon.

Huling namataan ang bagyo sa 1,975 kilometers east ng Basco, Batanes, at tinatayang tatahakin nito ang direksyong pa-kanluran sa bilis na 9 kilometers per hour.

Read more...