Inquest sa magkapatid na Parojinog, ipinagpaliban

 

FB Photo | PIA Misamis Occidental

Hindi natuloy ang inquest proceedings ng magkapatid na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr. na mga anak ng alkalde na napatay sa raid kahapon.

Kasalukuyang nasa Camp Crame ang magkapatid na naaresto noong Linggo matapos makasabat ng iligal na droga sa kanilang mga tahanan.

Gayunman, dahil sa kakulangan ng oras para maihanda lahat ng mga kaukulang dokumento, nakiusap ang Criminal Investigation and Detection Group sa Department of Justice na ipagpaliban muna ang inquest at ituloy na lang ngayong araw, August 1.

Bukod dito, hindi na rin anila ligtas na ibyahe pa ang magkapatid dahil gabi na.

Pero dahil dito, iginiit ng abogado ng magkapatid na si Atty. Ferdinand Topacio na sasampahan nila ng kaso ang pulisya ng serious arbitrary detention.

Lampas 36 oras na kasing nasa kustodiya ng pulisya ang magkapatid na Parojinog ngunit wala pa namang kasong nakasampa laban sa kanila.

Ayon kay Topacio, base sa kaniyang impormasyon ay alas-6:00 ng umaga ng Linggo inaresto ang dalawa kaya dapat, alas-6:00 ng gabi ng Lunes ay may naisampa nang kaso laban sa kaniyang mga kliyente kundi ay maituturing na itong arbitrary detention.

Dahil dito, dapat aniya ay palayain ang mga ito dahil sa pumaso na ang takdang panahon para sila ay kasuhan.

Bukod dito, maghahain din aniya sila ng petition for habeas corpus.

Gayunman, kukumpirmahin pa niya ang eksaktong oras ng pag-aresto sa dalawa, kaya niya hinihingi ang kopya ng search warrant at affidavit of arrest pero hindi pa rin ito naibibigay ng pulisya.

Read more...