Maalinsangang panahon, mararanasan ngayong ‘Ber Months’-PAGASA

el-ninoSa halip na malamig na panahon gaya ng nakasanayan, magiging maalinsangan ang panahon sa bansa ngayong ‘Ber Months’.

Ito ay dahil sa umiiral na strong El Niño na mararanasan mula ngayong buwan.

Ayon kay Anthony Lucero ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) climatology, tataas pa ang temperatura sa mga susunod na buwan partikular sa Disyembre.

Ang mga matataas na lugar sa Luzon na kadalasan ay nakararanas ng malamig na panahon kapag ‘Ber Months’ ay makapagtatala din ng mataas na temperatura kumpara sa normal na average level.

Malaking bahagi aniya ng banasa ang magkakaroon ng ‘slightly warmer’ na temperatura kumpara sa average temperature kapag ganitong panahon.

Taun-taon ay nakararanas na ng malamig na panahon ang bansa pagsapit ng buwan ng Oktubre dahil iiral na ang northeast monsoon o amihan. Kadalasan ay tuwing Enero hanggang Pebrero ang pinakamalamig na temperatura na nararanasan sa bansa dahil sa amihan.

Ayon kay Lucero, sa katapusan ng Setyembre aabot sa 40 lalawigan sa bansa ang hindi na gaanong uulanin dahil sa epekto ng El Niño, habang sa Disyembre, ay tataas pa ang bilang ngmga apektadong lalawigan sa 69.

Read more...